Paghingi ng paumanhin ng Xiamen Airlines, hindi sapat ayon sa Malacañang

by Radyo La Verdad | August 21, 2018 (Tuesday) | 2737

Bagaman kumbinsido ang Malakanyang sa sinseridad ng paghingi ng paumanhin ng Xiamen Airlines sa perwisyo na idinulot nila sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at libo-libong mga pasahero.

Iginiit ni Presidential Spokesperson Secretary Roque na hindi ito sapat, sa halip ay dapat na mapapanagot aniya ang maysala sa insidente.

Sa ngayon, hawak na ng Civil Aviation Authority ang piloto at co-pilot ng Chinese aircraft para sa mga serye ng imbestigasyon. Nagnegatibo naman ang mga ito sa isinagawang drug test, habang hinihintay naman ang resulta ng alcohol testing.

Sa ngayon ay hindi pa masabi ng mga airport officials kung kailan nila mailalabas ang resulta ng imbestigasyon at kung magkano ang hihinging danyos ng NAIA dahil sa aberya.

Inatasan na rin ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang mga airline company na mag-isyu ng certification sa mga overseas Filipino worker (OFW) na maaring nilang iprisinta sa kanilang mga employer. Ito ang magsisilbing katibayan na hindi nila kasalanan kung bakit naantala ang kanilang mga biyahe.

Samantala, ipapatawag rin ng CAB ang mga opisyal ng mga airline company upang imbestigahan ang iba’t-ibang mga reklamo ng mga pasahero hinggil sa kompensasyon na dapat sana nilang natanggap.

Pero nilinaw ng CAB na walang responsibilidad ang mga airline company na magbigay ng hotel accomodation sa mga pasahero, dahil hindi nila kasalanan ang nangyaring aberya sa runway.

Sakaling mapatunayan na nagkaroon ng kapabayaan ang mga airline, maaring silang patawan ng suspension o revocation ng license to operate o pagmumultahin depende sa sitwasyon.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,