Paghina ng piso kontra dolyar, hindi magtatagal – Economist

by Radyo La Verdad | February 23, 2018 (Friday) | 5882

Pumalo na sa P 52.12 ang halaga ng piso kontra sa US Dollars kahapon. Simula pa noong kalagitnaan ng Pebrero ay bumagsak na sa mahigit limampung piso ang palitan ng piso sa dolyar.

Ito na ang naitalang pinakamahinang estado ng piso sa nakalipas na labing isang taon ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Kung saan noong 2006 ay umabot ng P 52.16 ang exchange rate.

Ayon sa isang senior economist na si Carlo Asuncion, ang paggasta ng pamahalaan para sa Build Build Build Program ang isa sa maaaring dahilan ng pagtaas nito, ngunit wala naman aniyang dapat ikabahala dahil hindi naman ito magtatagal.

Ang total deployment ban naman sa bansang Kuwait ay bahagya lamang ang  epekto sa ekonomiya dahil ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA, 2.9% lamang ng total remittances ang nakukuha sa naturang bansa.

Pumalo sa $3 bilyong ang halaga ng kabuuan ng personal remittances ng mga OFW noong December 2017 na nagpapakita ng pagtaas ng halos 8 porsyento kung ikukumpara noong December 2016.

Sa isang text message ay sinabi naman ni Assistant Secretary Paola Alvarez na hindi indikasyon ng mas mahinang ekonomiya ang peso depreciation.

Mas makikinabang din daw ang mga OFWs at importers sa bahagyang paggalaw ng antas nito.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,