Pagharang ng dalawang senador sa pagpasa ng Bangsamoro Basic Law, hindi maaaring ikaila ayon sa Malacañang

by Radyo La Verdad | February 26, 2016 (Friday) | 2890

COLOMA
Hindi umano maikukubli o maikakaila ang ginawang pagharang nina Senate Minority Leader Sen. Juan Ponce Enrile at Senator Bongbong Marcos sa panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL ayon sa Malacañang.

Pahayag ito ng Malacañang matapos sabihin ni Sen.Enrile na ignorante sa batas si Pangulong Aquino sa paninisi nito sa kanilang dalawa ni Sen.Marcos.

Ayon kay Presidential Communications Secreatary Herminio Coloma Jr., hayag aniya ang rekord ng senado na aniya’y pinagbatayan ng talumpati ng Pangulo sa paggunita sa EDSA.

“Hayag at bukas ang rekord ng Senado na pinagbatayan ng Pangulo sa kanyang ipinahayag sa kanyang talumpati sa EDSA. Hindi puwedeng ikubli o ikaila ang ginawa nina Senador Enrile at Marcos laban sa pagpasa ng panukalang BBL.” Pahayag ni Coloma.

Matatandaang bahagi ng talumpati ng Pangulo ang paghahayag nito ng panghihinayang sa BBL na aniya’y hinarang ng dalawang senador.

Ang BBL na nakabinbin sa kongreso ang isa sa isinusulong na programa ng gobyerno kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM para maisulong ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)

Tags: , , ,