Paghahanda sa 2016 National Elections, puspusan na ayon sa Malacañang

by Radyo La Verdad | December 7, 2015 (Monday) | 1628

JERICO_COLOMA
Limang buwan bago ang 2016 National elections, patuloy na ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan para matiyak ang isang credible at mapayapang halalan ayon sa Malacanang.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., nakikipagugnayan na ang Armed Forces of the Philippines o AFP at ang Philippine National Police sa Commission on Elections para sa maayos na halalan.

Katunayan aniya, nagpulong na ang naturang mga ahensiya para pagusapan ang pagahahanda sa seguridad.

“Batid po natin na ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ay deputized ng Commission on Elections bilang mga pangunahing pwersa sa pagtitiyak ng seguridad, katahimikan at kaayusan sa pagdaraos ng pambansang halalan sa Mayo 2016.” pahayag ni Coloma.

Isa sa mga napagusapan aniya ay ang mga hakbang para sa mahigpit na pagpapatupad ng gun ban.

Napatunayan na aniya na ang pagkontrol sa baril at pagkumpiska sa mga iligal na sandata ay isa sa mga susi para matiyak ang maayos na halalan.

Bukod dito, nakatuon din ang pansin ng mga law enforcement agencies sa pagpigil sa operasyon ng mga private armed groups na dahil dito aniya’y nakatulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa halalan noong 2013.

“Ang pagkontrol po, ang pagpigil sa paggamit at sa operasyon ng mga private armed groups ay isa rin sa mga dahilan kung bakit noon pong 2013 elections ay napanatiling generally peaceful po sa buong bansa, at sisikapin muli ito ng pinagsamang pwersa ng COMELEC, AFP at PNP.” dagdag pa ni Coloma.

Magsisimula ang nationwide gun ban sa January 10 hanggang june 8 2016.

Nakatakda naman ang halalan sa May 9, 2016.(Jerico Albano/UNTV Radio Correspondent)

Tags: ,