Pagdiriwang sa EDSA 30, hindi paghihiganti ayon sa Malacañang

by Radyo La Verdad | February 23, 2016 (Tuesday) | 1307

JERICO_COLOMA
Pinabulaanan ng Malacañang ang alegasyon na bahagi ng paghihiganti o ‘politics of revenge’ ang ika-30 taong pagdiriwang ng EDSA People Power na isasagawa sa ika-25 ng Pebrero.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., ang mahalagang isyu na dapat aniyang isaalang-alang ng mamamayan sa paggunita nito ay ang kalayaan at katarungan.

Ito aniya ang naging tugon sa sambayanang Pilipino sa pagkitil sa kanilang kalayaan at pagyurak sa demokrasya dahil sa pinairal na batas militar.

Nanindigan din aniya ang mga lumahok dito para mabigyang-katarungan ang libo-libong biktima ng karahasan at kalupitan noong panahon ng Martial Law.

Samantala, itinanggi naman ng Malacañang ang napaulat na umano’y pamimilit ng pamahalaan sa bawat alkalde sa Metro Manila na magdala ng tig-sampung libong panauhin para sa naturang programa.

Inimbitahan lamang aniya ang mga opisyal ng gobyerno at mga Local Govt. Units (LGU) subalit nasa kanilang desisyun pa rin aniya kung lalahok ang mga ito sa programa sa EDSA.

Nauna ng ipinahayag ng Malacanang na ang nalalapit pagdiriwang ay kaiba sa mga nauna.

(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)

Tags: ,