Pagdinig sa kaso ng pagkalas ng Pilipinas sa ICC, muling iniurong ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | July 5, 2018 (Thursday) | 6285

Napagkasunduan ng mga mahistrado ng Korte Suprema sa kanilang en banc session na muling iurong ang pagdinig sa kaso ng pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Ito na ang ikalawang beses na ipinagpaliban ng korte ang oral arguments na una nang itinakda noong ika-24 ng Hulyo at iniurong ng ika-7 ng Agosto.

Tatalakayin sa pagdinig ang petisyon ng ilang opposition senators na ipawalang-bisa ang pagkalas ng bansa sa ICC dahil wala itong pagsang-ayon ng Senado.

Respondent sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, at Permanent Philippine Mission to the UN Teodoro Locsin, Jr.

Matatandaang sinabi na noon ng palasyo na hindi sila makikipagtulungan sa ICC sa isinasagawa nitong preliminary examinations sa war on drugs ng pamahalaan.

Ang ICC ang nag-iimbestiga sa mga maituturing na pinakakarumal-dumal na krimen sa mundo tulad ng genocide o malawakang pagpatay, war crimes, crimes against humanity at aggression.

Samantala, pinasasagot din ng Korte Suprema si Solicitor General Jose Calida sa apela ni Senator Leila De Lima na makadalo sa oral arguments.

Isa sa mga petitioner si De Lima na kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Naniniwala naman ang isang Makabayan Congressman na hindi papayagan ng SC ang hiling ng senadora.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,