Pagdaragdag ng mga pasahero sa MRT, LRT at PNR, epektibo na simula ngayong araw (October 19)

by Erika Endraca | October 19, 2020 (Monday) | 42615

METRO MANILA – Dadagdagan na rin ang bilang ng mga pasahero na pwedeng sumakay sa MRT 3, LRT-1, LRT-2 at PNR, matapos payagan ang one seat apart policy sa mga pampublikong sasakyan.

Mula sa dating 13 hanggang 18% na capacity ng mga tren, itinaas ito ng Department Of Transportation (DOTr) sa 30%.

Dahil dito magiging 372 pasahero na sa kada tren ng MRT ang papayagang sumakay sa bawat biyahe.

370 na sa LRT-1, 486 sa LRT-2, habang nasa 172 hanggang 300 pasahero naman sa PNR depende sa istilo ng tren.

Sa isang pahayag sinabi ni DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan na dahan-dahan na nilang dadagdagan ang kapasidad ng mga tren kaalinsabay ng pagbubukas ng ekonomiya, pero binigyang diin pa rin nito ang kahalagahan na masunod ng mga commuter ang minimum health standards.

Pangunahin na rito ang pagsusuot ng facemask, face shield at pagbabawal na kumain, at magsalita sa loob ng mga pampublikong sasakyan. Bawal pa ring sumakay ang mga pasaherong may sintomas ng Covid-19

Mahigpit ding ipinatutupad ang regular na disinfection, pagkakaroon ng maayos na ventilation at pagsunod sa physical distancing.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,