Nilinaw ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na walang deadline sa pagbuo ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China para sa joint exploration sa West Philippine Sea (WPS).
Pero ayon sa kalihim, pursigido ang dalawang panig na makabuo agad ng legal framework ukol dito na papasa sa mga Pilipino at Chinese at sa Korte Suprema.
Giit ni Cayetano, malaki ang magiging pakinabang ng bansa sa joint exploration dahil tinatayang nasa 50-100 beses ng Malampaya ang natural gas at langis sa buong WPS.
Binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan na masimulan na ang joint exploration dahil base sa pag-aaral ay posibleng maubos na ang gas at oil deposists sa Malampaya pagsapit ng 2028.
Kung mangyari ito, tiyak aniya na mas tataas pa ang presyo ng langis sa Pilipinas dahil kailangang dagdagan ang inaangkat sa ibang bansa.
Ang Malapaya ang nagsusuplay ng tatlumpu hanggang apatnapung posyento ng kuryente sa buong rehiyon ng Luzon.
Tiniyak din ni Sec. Cayetano na walang malalabag na karapatan ng bansa sa gagawing joint exploration ng China at Pilipinas. Hindi rin aniya ito nangangahulugan na iiwan na ng bansa ang claim nito WPS.
Una nang inihayag ng kalihim na bukas ang Tsina sa 60-40 na sharing ng revenues sa gas deposits.
( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )
Tags: joint exploration, Pilipinas, WPS