Sa datos na hawak ni Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement Chairman Senator Joseph Victor Ejercito nasa 5.5 million housing units ang backlog ng pamahalaan sa pabahay.
Ang problema nasa 200,000 hanggang 300,000 units lang ang kayang magawa ng pamahalaan sa loob ng isang taon.
Isa sa nakikitang solusyon ng mambabatas upang masolusyunan ito ay ang pagbuo ng isang departamento para sa pabahay o housing department.
Sa naturang departamento pag-iisahin ang kasalukuyang anim na housing agency ng pamahalaan.
Umaasa ang senador na maipapasa ang panukala bago mag adjourn ang 17th Congress.
Aniya hindi marahil napaghandaan ng pamahalaan ang mabilis na paglobo ng populasyon sa Pilipinas kaya lumaki din ang backlog sa pabahay.
Isa din sa isinusulong ng mambabatas ang in city relocation sa mga informal settlers sa Metro Manila at ibang urban areas upang maiwasang maging paulit ulit lamang ang problema.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)
Tags: backlog, housing department, pabahay, Pamahalaan