Pagbubukas ng VaxCertPH sa general public, pinaghahandaan na ng DICT

by Erika Endraca | September 8, 2021 (Wednesday) | 9700

METRO MANILA – Naghahanda na ang Department of Information and Communications Technology sa pagbubukas ng VaxCertPH para sa general public.

Ang VaxCertPH ay isang online portal kung saan makikita ang digital documentation na magsisilbing patunay na nakakumpleto na ang isang indbidwal ng bakuna kontra COVID-19.

Bunsod nito, kailangang isumite ng local government units ang mga datos ng mga fully vaccinated citizens.

Paliwanag ni ICT Undersecretary Manny Caintic, ito ang mas nagiging problema ngayon at hindi ang sistema ng VaxCertPH.

“We are not a very rich country. So, it is a challenge for the LGUs especially those who do not have enough equipment to submit their line lists religiously everyday.” ani DICT Usec. Emmanuel Rey “Manny” Caintic.

Kayang makuha ang VaxcCert sa online portal nito sa loob lang ng ilang minuto.

Paliwanag ng DICT, patuloy pa nilang inaayos ang sistema kaya hindi pa ito binubuksan sa ibang lugar.

“Inaalam namin, winawasto namin, ini-improve namin muna ang proseso para pagdating sa national launch ay na-perfect na natin at naiwasto na natin ang ating mga proseso. Bigyan lang tayo ng ilang linggo at mabubuksan din naman.” ani DICT Usec. Emmanuel Rey “Manny” Caintic.

Target ng DICT na buksan sa general public ang pag-iisyu ng VaxCertPH sa Oktubre.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,