Hinihiling ni ACTS-OFW Partylist Rep. John Bertiz sa Korte Suprema na ipatigil ang proyekto ng Land Transportation Office na pagbili ng mga driver’s license card na may limang taong validity.
Ayon sa mambabatas, kwestyonable ang proyekto na nagkakahalaga ng 836-million pesos dahil hindi ito pinaglaanan ng budget ng Kongreso. Labag umano ito sa Saligang Batas kaya’t dapat itong ipatigil at ipawalang-bisa.
Kabilang sa mga respondent sa petisyon ay sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Transportation Secretary Arthur Tugade, Budget Secretary Benjamin Diokno at LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante. Sinisi ni Bertiz ang LTO dahil sa umano’y kapabayaan ng ahensiya.
Ayon naman sa kaniyang abogado, hindi ito dapat palampasin kahit pa sabihing dagdag perwisyo sa mga motorista ang kanilang petisyon.
Nanawagan din sila sa Pangulo na silipin ang umano’y kurapsyon sa LTO. Ayaw munang magsalita ng LTO tungkol sa isyu dahil wala pa silang kopya ng isinampang kaso.
Tags: driver’s license card, Korte Suprema, LTO