Tinanggap na ni Pangulong Benigno Aquino III ang resignation ni Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Secretary Francis Kiko Pangilinan.
Ayon kay Secretary Pangilinan, epektibo ang kaniyang pagbibitiw sa September 30.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, plano ni Pangilinan na tumakbo muli sa pagka-senador sa 2016 national elections.
Samantala, tiniyak naman ng malakanyang na walang magiging epekto ang pagbibitiw ni pangilinan sa paghahanda ng pamahalaan sa epekto ng el nino lalo na sa sektor ng Agrikultura.
Pinangangasiwaan ni Pangilinan ang apat na mahahalagang ahensya na dating nasa ilalim ng Department of Agriculture kabilang ang National Food Authority, National Irrigation Administration, Philippine Coconut Authority at Fertilizers and Pesticide Authority na inilipat sa Office of the President sa bisa ng Executive Order number 175.
Dagdag pa ng Malakanyang pinaghahandaan na rin nila ang posibleng pagbibitiw sa tungkulin ng iba pang miyembro ng gabinete.
Una nang nagbitiw sa tungkulin si dating Energy Secretary Jericho Petilla.
Sumunod na naghain ng resignation si DTI Secretary Gregory Domingo na napaki-usapan naman ng pangulo na manatili hanggang matapos ang Asia Pacific Economic Cooperation o APEC sa Nobyembre.
Ilan pa sa iinaasahang magbibitiw sa gabinete sina TESDA Director General Joel Villanueva ,DOJ Secretary Leila de Lima ,MMDA Chairman Francis Tolentino at D-A Secretary Proceso Alcala na nababalitang kakandidato sa 2016 national elections.(Jerico Albano/UNTV Radio Correspondent)
Tags: Pangulong Benigno Aquino III, Secretary Francis Kiko Pangilinan