Pagbibigay ng case rate package para sa dengue vaccine, pinagaaralan ng Philhealth

by Radyo La Verdad | February 24, 2016 (Wednesday) | 1946

JOAN_VACCINE
Magpupulong ngayong linggo ang Benefits Development Committe ng Philippine Health Insurance Corporation kasama ang ilang opisyal ng Department of Health.

Pangunahing sa tatalakayin ng komite ang pagbibigay ng case rate package para sa dengue vaccine sa kanilang mga miyembro.

Sa umiiral na package rate na ini-aalok ng Philhealth, tanging ang dengue fever lamang ang maaaring i-avail ng isang miyembro na nagkakalahaga ng mula eight hanggang sixteen thousand pesos.

Ayon sa komite, hindi madali ang bumuo ng isang health package, dahil maraming mga bagay ang kailangan ikonsidera bago ito maipatupad.

Ayon sa mga doktor, ang bawat dosage ng dengue vaccine ay nagkakahalaga ng libo-libong piso,kaya naman sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng Philhealth ang posibilidad na isama ito sa mga benepisyong maaring i-avail ng kanilang mga miyembro.

Sa pagaaral ng mga eksperto, bawat indibidwal edad siyam na taon hanggang kwarenta y singko anyos ay kinakailangang mabuo ang tatlong beses na bakuna upang maging epektibo at magkaroon ng sapat na proteksyon laban sa dengue.

Ngunit nilinaw naman ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng dengue vaccine, na katulad rin ng iba pang mga bakuna, hindi rin magagarantiyahan na ligtas na sa pagkakaroon ng dengue ang isang indbidwal, kapag nakumpleto nito ang 3 shots.

Sa kasalukuyan ay available na sa ilang pribadong doktor at ospital ang Dengvaxia, habang sa Abril naman ay uumpisahan na ng DOH ang pagbibigay ng libreng bakuna kontra dengue sa mahigit isang milyong grade 4 students sa NCR, Region III at CALABARZON.

Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa buong mundo na gagamit ng dengue vaccine.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,