Pagbasa ng sakdal laban kay dating Pres. Aquino, hindi natuloy

by Radyo La Verdad | January 12, 2018 (Friday) | 11286


Parehong hindi natuloy ang pagbasa ng sakdal laban sa dalawang dating pinakamataas na opisyales ng bansa.

Si dating Pangulong Benigno Aquino III ay kinasuhan ng paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at usurpation of official functions. Nag-ugat ang kaso sa naging operasyon ng PNP na “Oplan Exodus“ sa Mamasapano noong 2015, kung saan 44 na miyembro ng Special Action Force ang napatay sa pag-aresto sa terrorist at bombmaker na si Zulkifli Abdhir, alyas Marwan at si Basit Usman.

Noong July 2017 ay inabswelto ng Office of the Ombusman si Aquino sa kasong homicide. Subalit may pananagutan pa rin umano ito sa pagkamatay ng SAF 44.

Base sa impormasyon ng kaso, nagpa-impluwensya umano si Aquino sa noo’y suspendidong PNP Chief Alan Purisima kaugnay sa Oplan Exodus.

Nilabag umano ni Aquino ang PNP Chain of Command, ang suspension order ng Office of the Ombudsman laban kay Purisima at maging ang kautusan ni noo’y OIC PNP Chief Leonardo Espina. Nakapagpiyansa si Aquino ng P40K para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ayon sa abogado ng dating presidente, may nakahain pa silang motion to quash kaya’t nakansela ang arraignment at inilipat na lamang sa February 15.

Positibo naman ang pananaw ng Malakanyang sa ginagawang pagsunod sa rule of law ni dating Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa Mamasapano case.

Samantala, hindi rin natuloy ang pagbasa ng sakdal kay dating Vice President Jejomar Binay sa third division ng Sandiganbayan dahil may nakabinbin din itong mosyon.

Inaakusahan si Binay sa kasong katiwalian sa umano’y maanumalyang konstruksyon ng Makati Parking Building.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,