Iniinda ng mga motorista ang matagal ng pagbaha sa San Simon Exit papuntang North Luzon Expressway.
Ito ay dahil sa halos tatlong buwan nang lubog sa baha ang lugar dulot ng mga pag-ulan dala ng habagat na tumaas pa dahil sa pananalasa ng Bagyong Ompong.
Gaya na lamang ni Mang Marlon na tatlong taon nang dumadaan sa kalsadang ito papunta sa kaniyang trabaho. Madalas aniya tumitirik ang kaniyang motorsiklo.
Problema din ni Mang Marlon ang sirang daan na mistulang sungkaan dahil sa dami ng butas nito.
Ang isang gasoline station sa San Simon, mahigit walong porsyento na daw ang nalulugi sa mga negosyo dahil konti nalang ang dumadaang mga tao at mga sasakyan dahil sa taas ng baha.
Ayon naman sa lokal na pamahalaan ng San Simon, ginagawan na nila ng aksyon ang problemang ito.
Samantala, kung lalabas ng North Luzon Expressway galing San Simon, maaaring dumaan sa may Tulaoc.
At sa mga pupunta naman sa syudad ng San Fernando galing Apalit, maaari ding dumaan sa manabak.
( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )