Pagbabalik ng supply ng tubig at kuryente sa mga lugar na lubhang napinsala ng lindol, pinamamadali ni PBBM

by Radyo La Verdad | July 29, 2022 (Friday) | 4191

METRO MANILA – Lumipad kahapon (July 28) patungong probinsya ng Abra si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Junior. Kasama niya ang ilan sa mga miyembro ng kaniyang gabinete.

Sa situation briefing kasama ang mga local officials ng Abra, sinabi ng pangulo na mahalagang maibalik agad ang suplay ng kuryente sa ilang lugar sa La Union, Ilocos Norte at Abra.

Maging ang pagbabalik ng suplay ng tubig na pinakamahalaga aniya sa lahat.

Kasunod ng matinding lindol, nais ni Pangulong Marcos na bumili ang pamahalaan ng water purifying system na magagamit tuwing may kalamidad.

Bukod sa pagbabalik ng suplay ng kuryente at tubig, pinauuna rin ng pangulo na mainspeksyon ng mga engineer ang mga ospital, clinics at health centers upang malaman kung ligtas pa itong gamitin matapos ang nangyaring lindol.

Inalam rin ni Pangulong Marcos kay DSWD Secretary Erwin Tulfo kung papaano pa matutulungan ang mga pamilyang nasira ang kanilang tahanan.

Sa huli pinatitiyak ni PBBM na matutugunan ang pangangailangan ng mga naging biktima ng lindol lalo sa mga pansamantalang lumikas.

Muling binigyang diin ng pangulo ang pakikipag-ugnayan ng national government agencies sa mga lokal na ahensya upang ma-maximize ang assets ng pamahalaan.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,