Nangangamba na ang mga poultry farms owner sa San Jose Batangas sa posibleng pagbaba ng presyo ng itlog. Ito ay dahil sa epekto ng bird flu virus outbreak sa San Luis Pampanga.
Ang San Jose Batangas ang tinaguriang “Egg Basket of the Philippines” kung saan nanggagaling ang mahigit sa pitong milyong itlog kada araw mula sa tatlong daan at limampung manukan.
Bunsod nito, puspusan na ang ginagawang hakbang ng mga farm owner upang maiwasan na makapasok sa kanila ang naturang virus.
Mahigpit namang ipinagbabawal ngayon ng Negros Occidental Provincial Veterinary Office ang pagpasok ng mga manok mula sa Luzon. Nais makatiyak ng local officials na hindi makakarating sa lalawigan ang naturang virus.
Naglagay na ng quarantine stations sa mga pantalan at airport na magbabatay upang makatiyak na hindi makakapasok ang mga ito sa lalawigan.
Naglagay na rin ng quarantine stations at checkpoint ang Deparment of Agriculture Region V sa Brgy. Tabugon Sta. Elena, Camarines Norte at Matnog Port sa Sorsogon upang bantayan ang pumapasok na karneng manok.
Dito sasalain ang lahat ng mga kinatay na karne ng manok kung dumaan ito sa proseso ng National Meat Inspection Service.
Ang Region V ang isa sa entry point ng mga kalakal na bumabyahe papuntang Visayas at Mindanao.
(Lalaine Moreno / UNTV Correspondent)
Tags: itlog, manok, San Jose Batangas