Pagbaba ng crime rate, pinakamalaking accomplishment ng anti-drug war ng pamahalaan – Malakanyang

by Radyo La Verdad | December 26, 2017 (Tuesday) | 4018

Bumaba ang bilang ng kriminalidad sa bansa batay sa datos ng Philippine National Police. Mula sa 493, 912 noong 2016, nasa 452, 204 na lang ang naitala ngayong taon o nangangahulugan ng 8.44 percent decrease.

Sa mga kaso ng pagnanakaw, bumaba naman ang bilang ng 23.61 percent. Ibig sabihin, nabawasan ng higit apat na libo at tatlong daan ang robbery cases.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, katunayan ito na malaki ang naitulong ng anti-drug war ng pamahalaan ang pagbaba ng crime rate sa bansa.

Ngunit dahil sa mga kontrobersya, nagpasya ang Pangulo na pansamantalang alisin sa pangangasiwa ng PNP ang war on drugs campaign.

Kabilang sa mga naging mainit na isyu ay ang pagdukot at pagpatay ng mga umano’y narco-policemen sa Korean businessman na si Jee Ick Joo. Gayundin ang magkasunod na pagpaslang sa mga menor de edad na sina Kian Loyd Delos Santos at Carl Angelo Arnaiz.

Subalit dahil umano sa paglala ng suliranin sa illegal drugs, muling iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na isama ang mga pulis at iba pang ahensya ng pamahalaan sa operasyon sa ilalim pa rin ng pangangasiwa ng PDEA.

Tiwala naman ang Malakanyang na magiging mas maingat na ang PNP kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng anti-drug war.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,