35 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwalang matutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ipinangako nito sa sambayanan noong eleksyon batay sa survey ng Social Weather Stations.
Ginawa ang survey sa pamamagitan ng panayam sa 1, 500 respondents sa buong bansa noong September 23 hanggang 27, 2017.
Mas mababa ito kumpara sa 52 percent ng mga Pilipino na naniniwalang matutupad ang mga campaign promises ng Duterte administration noong March 2017.
Ayon sa ilan, dahil umano ito sa pagtaas ng kaso ng mga pagpatay sa bansa. Ngunit ilan naman ang nagsasabing dapat pa ring bigyan ang pagkakataon na gawin ang kaniyang trabaho. Hindi naman ikinabahala ng Malakanyang ang resulta ng survey.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, walang unusual o kakaiba sa pagbaba ng bilang ng mga Pilipino naniniwalang matutupad ng punong ehekutibo ang kaniyang mga ipinangako dahil mas nagiging makatotohanan umano ang mga tao pagkalipas ng eleksyon sa kung ano ang kayang magawa ng gobyerno. Ito rin aniya ang naging trend sa mga nakalipas na administrasyon.
Gayunman, magpapatuloy aniya si Pangulong Duterte at ang gabinete nito sa pagsusumikap na magawa ang dapat gawin para sa bansa.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: Pangulong Duterte, Pilipino, survey