Pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong nagugutom, resulta ng mga ipinatutupad na programa ng pamahalaan- Malakanyang

by Radyo La Verdad | July 20, 2015 (Monday) | 5653

hunger rate
Bumaba sa dalawang daang libong pamilya ang nagsasabing sila ay nakararanas ng gutom.

Batay sa bagong survey ng Social Weather Stations, mula 13.5% noong 1st Quarter ng 2015 bumaba ang hunger rate sa 12.7% nito lamang June 2015.

Sa nasabing buwan, bumaba ng halos isang daang libong pamilya ang nagsasabing hindi madalas nagugutom o isang beses lang sa loob ng tatlong buwan nagutom.

91 thousand na pamilya naman ang ibinaba ng bilang ng mga nagsasabing madalas o palaging nagugutom, o mula 2.4 percent noong Marso ay bumaba ito ngayon sa 1.9 percent.

Ito na ang pinakamababang naitala sa loob ng sampung taon o mula pa noong May 2005.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, mula pa noong 2010 ay sinisikap na ng Administrasyon ang maitaas ang inclusive growth, sa pamamagitan ng mga inisyatibo ng pamahalaan tulad ng pinalawak na Pantawid Pamilyang Pilipino Program, kung saan mahigit apat na milyong pamilya na ang nakikinabang dito.

Dagdag pa ng kalihim, malaking kontribusyon din sa naitalang mababang hunger rate ang patuloy na pagbaba ng inflation at nananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Umaasa ang Malakanyang na bababa pa ang hunger rate sa susunod pang mga buwan.

Tags: ,