Pag-angkat ng bigas tuloy pa rin pero hihigpitan ang pagbibigay ng permit – DA

by Erika Endraca | November 22, 2019 (Friday) | 31280

METRO MANILA – Hindi magpapatupad ng suspensyon sa rice importation ang Department of Agriculture (DA). Pero ayon sa kagawaran hihigpitan nila ang pagbibigay ng permit ukol dito.

“Hindi namin pinapa-stop (ang pagiimport ng bigas) we are implementing the law properly” ani Agriculture Secretary William Dar.

Ayon naman sa grupo ng mga magsasaka na Federation of Free Farmers, ang paghihigpit sa pagbibigay ng permit sa pag-aangkat ay mangangahulugan na rin ng pagpapatigil sa importasyon.

Pero ito anila ay panandalian lamang habang kinukumpleto pa ng mga rice exporter ang mga karagdagang requirement.

“In the meantime na hindi sila maka-comply tigil muna yung export nila sa atin” ani Federation of Free Farmers Chairman Leonardo Montemayor.

Iniimbestigahan naman ng ahensya ang mga kooperatiba  at organisasyon ng mga magsasaka na ginagamit umano bilang mga dummy sa pag-aangkat ng bigas.

“We will now look at 3 years of their business engagements kung may financial capability ba? Mayroon ba silang warehouses? So lahat po ng pagiigting na yun” ani Agriculture Secretary William Dar.

Ayon kay Secretary Dar, kasama rin sa direktiba ng Pangulo ang pagdaragdag ng imbak na bigas ng national food authority kung saan mula sa 15 araw ay gagawin na itong tatlumpung araw.

Nangangahulugan ito ng mas maraming palay na bibilhin ng ahensya sa mga lokal na magsasaka. 

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,