Pag-angkat ng bigas ng NFA, pabibilisin – Sec. Piñol

by Radyo La Verdad | October 25, 2018 (Thursday) | 4405

Gobyerno sa gobyerno na ang mag-uusap sa susunod na linggo sa isasagawang bidding ng aangkating bigas ng bansa.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, ayaw na nilang maulit pa ang pagkaubos ng imbak na bigas ng National Food Authority (NFA).

Noong nakaraang linggo, isinagawa ng NFA ang bidding para sa 250 thousand metric tons o 5 milyong sako ng bigas sa pamamagitan ng government to private procurement.

Subalit 43 thousand metric tons lamang ang naigawad dahil hindi matapatan ng ibang bidder ang halaga na alok ng NFA.

Sa susunod na linggo ay magsasagawa uli ng bidding subalit government to government na ang gagamiting mode of procurement.

Ibig sabihin ay Gobyerno na ng Pilipinas at ang gobyerno ng ibang bansa gaya ng Thailand at Vietnam ang magsasagawa ng transaksyon para mapabilis ang pag-aangkat sa natitirang 203 thousand metric tons ng bigas.

Pero agad na isusunod ang pag-aangkat din ng 500 thousand metric tons o 10 milyong sako ng bigas mula sa mga pribadong bidder.

Nasa 8 libong metriko tonelada na o 160 libong sako ng palay ang nabibili ng NFA sa mga lokal na magsasaka.

Ayon sa kalihim, inaasahang makaka 30 libong metriko tonelada sila na mabibiling palay bago matapos ang 2018.

Samantala, magkakaroon narin ng P38 kada kilo ng commercial rice sa merkado kapag nailunsad na ang “presyong resonable dapat”.

Maglalaan ng 350 thousand metric tons na bigas ang DTI, DA at NFA para makabili ng mga consumer ng bigas sa halagang P38 lamang kada kilo.

Bukod pa ito sa pagtatakda ng suggested retail price (SRP) ng bigas na ilulunsad naman sa Sabado.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,