Pag-amyenda sa kaso ni Sen. Leila de Lima, hindi pa nareresolba ng Muntinlupa RTC

by Radyo La Verdad | December 8, 2017 (Friday) | 3777

Walang pang desisyon ang Muntinlupa Regional Trial Court kung papayagan ang hiling ng prosecution na baguhin ang kaso laban kay Sen. Leila de Lima.

Naghain na ng magkakahiwalay na mosyon ang DOJ Panel sa tatlong sangay ng Muntinlupa RTC upang amyendahan ang orihinal na kaso.

Mula sa illegal drug trading, gagawin na itong conspiracy to commit illegal drug trading dahil sa pakikipagsabwatan umano ni de Lima na magbenta ng iligal na droga.

Paliwanag ng prosecution, hindi nabago ang akusasyon kay de Lima at pareho lamang ang gagamitin nilang ebidensya.

Pero iba ang pagtingin dito ng mga abogado ni de Lima. Sa kasong hawak ni Judge Patria Manalastas de Leon ng Muntinlupa RTC Branch 206, may bagong alegasyon ang prosecution na ginamit ang mga bilanggo sa new Bilibid Prison upang magbenta ng illegal na droga.

Ayon sa abogado ng Senadora, wala ito sa ibang mga kasong isinampa laban kay de Lima. Kinansela naman ng Muntinlupa RTC Branch 206 ang arraignment ni de Lima dahil may mga mosyon pa ang magkabilang panig.

Bukod sa hiling ng prosecution na amyendahan ang kaso, may mosyon din si de Lima na bawiin ng korte ang arrest order sa kanya at i-dismiss ang kaso dahil wala aniya itong sapat na ebidensiya.

Labinlimang araw ang ibinigay sa magkabilang panig upang sagutin o tutulan ang mosyon ng isa’t-isa kaya’t posibleng sa susunod na taon na mabasahan ng sakdal si de Lima.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,