Muling pinatunayan ni Pambansang Kamao at People’s Champ Senator Manny Paquiao ang kanyang tibay at husay sa boxing ring matapos niyang makuha ang WBA welterweight championship title mula sa Argentinian boxer na si Lucas Mathysse sa kanilang laban sa Kuala Lumpur, Malaysia kahapon.
Sa simula pa lang ng laban, agad na ipinakita ng Pambansang Kamao ang kanyang bagsik sa boxing matapos ang sunod-sunod na pag-atake ng mga suntok kay Mathysse.
Bago pa matapos ang ikalawang round, pinabagsak ni Pacman ang kalaban subalit muli pa itong nakabangon.
Pagsapit ng round 5, muling napaluhod ang Argentinian boxer matapos na pakawalan ni Pacquiao ang sunod-sunod na suntok.
At bago pa matapos ang ika-pitong round, dito na tuluyang tinapos ni Pacman nang ma-knockout ang defending champion na si Matyhsse.
Ayon kay Pacquiao, binago niya ang kanyang estilo sa laban kaya posibleng hindi ito napaghandaan ng kalaban.
Labis na ipinagmamalaki naman ang ating mga kababayan at maging ang mga katrabaho ng fighting senator sa panibagong karangalan at tagumpay na ibinigay nito sa bayan.
Daang-daang mga kababayan mula sa Pilipinas at iba pang mga bansa ang dumayo sa Malaysia masaksihan lamang ang laban ng Pambansang Kamao.
Bukod dito, ilang mga foreigner at celebrity rin ang nagpakita ng suporta kay Manny.
Samantala, labis namang ikinatuwa ni Pangulong Rodrigo Duterte na personal na nanuod ng laban ang pagkakapanalo ni Pacquiao.
Gayundin ang Prime Minister ng Malaysia na si Mohamad Mahatir.
Matapos ang kanyang pagkakapanalo, tiniyak ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao na hindi pa ito ang huli sa kanyang karera, bagkus asahan pa aniya sa mga susunod ang mas matitindi pa niyang laban sa boxing ring.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )