Paano nakatutulong sa paglago ng ekonomiya ang gastos ng mga kandidato sa kampanya

by Radyo La Verdad | May 15, 2019 (Wednesday) | 8223

METRO MANILA, Philippines – Nag-iwan man ng maraming kalat ang nagdaang eleksyon dahil sa sangkaterbang mga campaign posters at banner, alam niyo ba na bahagyang nakatulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa ang gastos ng mga kandidato sa kampanya?

Ayon kay Dr. Alvin Ang, isang Propesor sa Economics Department ng Ateneo De Manila University, nakaambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa ang pagdaraos ng halalan.

Paliwanag ni Ang, ang ginastos ng mga kandidato ay nakatulong upang magkaroon ng trabaho ang ilan nating kababayan.

Marami ang nagpagawa ng campaign materials at kumukuha rin ng dagdag na tao ang mga kandidato upang tumulong sa pangangampanya gayundin ang mga magsisilbing poll watchers.

At kapag kumita ang ating mga kababayan, gumagastos rin ang mga ito na napupunta naman sa iba’t-ibang sektor.

Katulad ng gumagawa ng mga t-shirt, banner at poster so kung tutuusin nagkakaroon siya ng paggalaw sa buong ekonomiya natin depende kung saang dami ng mga kandidato natin.

Mas maraming kandidato mas malaki ang galaw ng ekonomiya tsaka ngayong eleksyon na ito ang daming posisyon na pinaglabanan so ‘yun nakakatulong rin ‘yun sa paglago ng ekonomiya natin,”ani Dr. Alvin Ang.

Ngunit ayon sa ekonomista halos isang porsyento lamang na paglago sa Gross Domestic Product o GDP ang epekto ng election spending at pansamantala lamang ito dahil bihira naman ang pagdaraos ng eleksyon.

Ngayong tapos na ang botohan at hinihintay na lamang na matapos ang bilangan ng boto para sa pagka senador at Party-list group.

Obligasyon naman ngayon ng lahat ng mga tumakbong kanidato na maisumite sa Commission on Elections ang kanilang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE.

Ito ang listahan ng lahat ng kontribusyong natanggap at perang ginastos sa pangangampanya ng isang kandidato, nanalo man o natalo.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code, three pesos kada botante ang dapat na maging budget ng isang kandidato na kasapi sa political party.

Habang five pesos kung independent.

Kaya’t kung may mahigit sa 65 million ang registered voters sa Comelec kasama na ang mga overseas voter.

Lumalabas na mahigit sa 190 million pesos lamang ang dapat gastusin ng isang kandidato sa national position na miyembro ng isang partido, habang mahigit sa three hundred eighteen million naman kung independent.

Kung paguusapan ang political advertisement sa telebisyon at radyo umaabot na ito sa mahigit isang milyong piso depende pa yan kung ilang beses at anong oras ilalabas ng mga istasyon.

Sa mga nakalipas na halalan, may ilang politiko na rin ang napatalsik sa pwesto dahil sa election over spending.

Isa na dito si dating Laguna Governor Emilio Ramon “ER” Ejercito.

Sa imbestigasyon ng Comelec En Banc, pumalo noon sa 23.56 million pesos ang ginastos ni Estrada sa halalan, gayong 4.7 million lamang ang dapat na ginamit nito.

Mahigpit na ipatutupad ng Comelec ang deadline sa pagpapasa ng SOCE.

Kinakailangan maisumite ito ng mga kumandidato 30-araw matapos ang eleksyon.

“Paalala ko lang na kapag hindi kayo nag-submit ng SOCE masasayang lahat ng efforts niyo lalo na kung nanalo kayo kasi hindi kayo makakaupo sa pwestong napanalunan ninyo,” babala ni Director James Jimenez, Spokesperson ng COMELEC.

Sa ilalim ng batas, papatawan ng isa hanggang anim na taong pagkakakulong ang sinomang kandidato na mapatutunayan na nag over spend.

Mawawalan na rin ito ng karapatang makaboto sa mga susunod pang halalan, at matatangal rin sa pwesto kung nanalo ito sa posisyon.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,