P84 billion damage claim ng Maynilad at Manila Water sa pamahalaan, pinapipigil sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | August 11, 2015 (Tuesday) | 1828

BAYAN MUNA
Naniningil ng danyos sa gobyerno ang Maynilad at Manila Water katumbas ng umano’y nalugi sa kanila dahil hindi pinayagan ng MWSS ang kanilang dagdag singil sa tubig.

Kasunod ito ng pagtanggi ng MWSS na ipasa sa mga consumer ang buwis na dapat bayaran ng dalawang kumpanya.

P79 billion ang sinisingil ng Manila Water sa pamahalaan katumbas ng umano’y malulugi sa kanila mula 2015 hanggang 2037.

P3.44 billion naman ang sinisingil ng Maynilad na nalugi umano sa kanila mula January 2013 hanggang February 2015 matapos hindi ipatupad ng MWSS ang desisyon ng Arbitral Panel pabor sa kanilang dagdag-singil.

Ngunit sa kanyang memorandum kay Pangulong Aquino, iminungkahi ni Finance Secretary Cesar Purisima na bayaran ng gobyerno ang Maynilad ng P5 billion sa ilalim ng sovereign guarantee na nakapaloob sa concession agreement.

Mas malaki pa ito sa sinisingil ng kumpanya.

Kaya’t para saBbayan Muna, sobra-sobra nang inhustisya ito sa mga consumer.

Dahil dito, dumulog sa Korte Suprema ang Bayan Muna upang pigilan ang paniningil ng Water Companies ng umano’y danyos sa pamahalaan.

Hiling nilang pagbawalan ng Korte ang Maynilad at Manila Water na ipasa sa mga consumer ang buwis na dapat nilang bayaran.

Hiniling din nila na mag isyu ng TRO ang Supreme Court upang pagbawalan ang gobyerno na bayaran ang P84-billion na sinisingil ng dalawang kumpanya
Patuloy namang pinag aaralan ng Malakanyang ang isyu dahil sa magkaibang posisyon ng Finance Department at MWSS tungkol sa pagpapasa ng dagdag singil sa mga consumer.( Roderic Mendoza / UNTV News)

Tags: , ,