METRO MANILA – Umabot na sa mahigit P4-T ang nakuhang pamumuhunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior mula sa kaniyang foreign trips ngayong taon.
Sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI), nakapaloob dito ang 148 projects na nasa iba’t ibang investment stages na.
Batay ang mga datos ng DTI sa kanilang pagmomonitor ng mga pangako ng pamumuhunan na nakuha sa mga biyahe ng pangulo ngayong taon hanggang Disyembre 21.
Dalawampung proyekto rito ay aprubado at rehistrado na sa investment promotion agency ng DTI, Board of Investments at Philippine Economic Zone Authority (PEZA).
Ayon sa DTI, karamihan sa mga pamumuhunan na ito ay mula sa sektor ng manufacturing, IT-BPM, renewable energy, data centers at telecommunications.
Sinabi rin ng ahensya na may kaugnayan ang mga investment sa mga memorandums of understanding na may kinalaman sa mga planadong investment at Investment Promotion Agency (IPA) deals.
Sa kabuuan, bumisita si Pangulong Marcos sa China, Switzerland, Japan, Estados Unidos, United Kingdom, Indonesia, Malaysia, at Singapore ngayong taon.
Inaasahan ng Marcos administration na sa oras na maisakatuparan ang mga pamumuhunan na ito, lilikha ito ng libo-libong trabaho para sa mga Pilipino.