P4.5-T na panukalang pambansang pondo para sa taong 2021, niratipikahan na ng Senado at Kongreso

by Erika Endraca | December 10, 2020 (Thursday) | 13194

METRO MANILA – Sa ilalim ng aprubadong 2021 general appropriations bill, nasa P23-B ang inilipat para sa rehabilitasyon ng mga sinalanta ng bagyo.

Ayon kay House Appropriations Committee Chairperson Eric Yap, kasama rito ang pondo ng ilang infrastructure projects na maaaring hindi na maiimplementa na nakwestiyon noon ni Senator Panfilo Lacson.

Pero bago maratipikahan ang Bicam report sa senado, napuna naman ni lacson kung bakit tumaas pa lalo ang budget ng dpwh gayong malaki ang underspending o hindi paggastos ng pondo ng ahensya sa mga nagdaang taon.

Mula sa P666-B na isinumiteng panukalang pondo para sa DPWH, tumaas ito sa P694-B sa bicam report.

Ayon kay Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara, isa sa dahilan ay ang paghabol sa mga naantalang projects dahil sa Covid-19 pandemic.

Nakwestiyon rin ni Lacson kung bakit natapyas ang pondo para sa national broadband program.

Mula sa idinagdag na limang bilyong piso sa bersyon ng senado, lumiit na lamang ito sa halos dalawang bilyong piso.

“In the bicam they decided to withdraw it because they were citing the low utilization rate of 21%.” ani Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara.

“In-increase nila ng P28-B ‘yung DPWH? (jumpcut) these are my argument, low utilization rate. Now, they are using the same argument sa dict?” ani Sen. Panfilo Lacson

Ang ilang senador, napuna rin ang tila kakulangan sa detalyadong plano para sa magiging gastos at distribusyon ng Covid-19 vaccines.

Nasa P72.5-B ang nakalaan para sa Covid-19 vaccine sa ilalim ng national budget. P2.5 –B ang nakalaan para sa bakuna sa ilalim ng Department Of Health (DOH) habang P70-B naman ang nasa unprogrammed funds o ‘yung popondohan pa lamang.

Dagdag ni Angara, madadagdagan pa ito ng sampung bilyong piso kapag naipasa na ang batas na magpapalAawig sa validity ng mga hindi na nagastos na pondo. Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Nangunguna pa rin ang sektor ng edukasyon sa may pinakamakalaking pondo sa ilalim ng panukalang budget na may P708-B. Sumunod naman ang DPWH na may P694-B at ang sektor pangkalusugan na may P287-B.

Paliwanag ng mga mambabatas, nakakalat umano sa mga ahensya ng gobyerno ang pondo para sa covid-19 response gaya ng pondo para sa quarantine facilities na inilagay sa dpwh kaya mas mataas ang pondo nito kumpara sa health sector.

Tiniyak din ni Angara na walang ‘pork’ at lumpsum ang panukalang budget.

Dagdag naman ni House Committee On Appropriations Chairperson, Rep. Eric Yap, hindi talaga pwedeng gawing magkakapareho ang pondo para sa infrastructure projects sa mga distrito.

Samantala, hindi naman nagalaw ang tinatayang nasa P19-B na budget ng kontrobersiyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: , ,