METRO MANILA – Ipinangako ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang malaking tipid at mabilis na internet kung maisasagawa ang National Broadband Project ng obyerno.
Sinabi ng kagawaran sa House Committee on Appropriations na nangangailangan lamang ng P18-B ang proyekto.
Malaking bahagi nito ay gagamitin sa paglalatag ng kable na dadaanan ng internet sa buong bansa.
Ikokonekta nito ang mga ahensya ng gobyerno sa 81 lalawigan bukod pa ang libreng pampublikong wifi.
Ayon sa DICT, nasa 25mbps na ang bilis ng internet ngayon sa pilipinas kumpara naman sa 213mbps sa ibang bansa.
Ayon sa DICT, ang isang ahensya ng gobyerno na nagbabayad ng P420,000 kada taon sa internet ay gagastos na lamang ng P60,000 sa ilalim ng national broadband program.
Sa kabuoan ay makakatipid ng P34-B ang gobyerno sa susunod na 5 taon.
Ayon kay Sec Gringo Honasan, kailangan ng magawa ang proyekto lalo na’t may pandemya at kailangang-kailangan ang internet sa komunikasyon.
Humingi ng P36-B pondo ang DICT sa DBM para sa 2021 budget subalit P6-B lang ang naaprubahan kasama na dito ang halos P1-B para sa national broadband project.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: DICT, National Broadband Project