P200 unconditional cash grant sa mga benepisyaryo ng 4P’s, sapat na – DBM

by Radyo La Verdad | March 7, 2018 (Wednesday) | 3021

Mahigit twenty four billion pesos ang pondong inilaan ng pamahalaan ngayong taon para matulungan ang nasa sampung milyong mahihirap na pamilya sa bansa na apektado ng pagtaas ng bilihin dahil sa TRAIN Law.

Sa halagang ito, 4.3 billion pesos ang inilabas na ng Department of Budget and Management para sa 1.8 milyong mga pamilya na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s. 200 pesos kada buwan ang matatanggap ng mga benepisyaryo.

Ayon kay DBM Secretary Benjamin Diokno, sapat ang naturang halaga para maayudahan ang mga mahihirapan na pamilya na apektado ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin dahil sa implementasyon ng tax reform law. Sa loob ng tatlong taon ipatutupad ang subsidiya.

Magiging 300 pesos kada buwan naman ang tulong na matatanggap ng mga benepisyaryo ng unconditional cash grant pagsapit ng taong 2019 at 2020.

Ayon sa DSWD, lump sum o bultuhan na ang pagbibigay ng cash grant para sa isang taon at target na makumpleto ang distribusyon ng tulong sa lahat ng mga benepisyaryo sa 1st quarter ng bawat taon.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,