P11.5M halaga na Super Health Center, itatayo sa Davao Del Sur

by Radyo La Verdad | June 10, 2023 (Saturday) | 1649

METRO MANILA – Isinagawa ang groundbreaking ceremony ng kauna-unahang itatayong Super Health Center (SHC) sa Davao Del Sur nitong June 5 sa Brgy. Zone 3, Digos City. Mayroon itong kaukulang budget na P11.5-M.

Ayon kay Senator Christopher Bong Go, layon ng programa na matulungang ma-decongest ang mga ospital sa lalawigan at mailapit ang serbisyong medikal sa mga kababayan nating nasa malalayong lugar.

Ang SHC ay pinondohan sa ilalim ng Health Facility Enhancement Program ng Department of Health (DOH), upang komprehensibong makapaghatid ng basic health services gaya ng laboratory, X-ray, ultrasound, birthing servicers, diagnostic, pharmacy at emergency services; kabilang din dito ang pagtatalaga ng Outpatient Department.

Nakalaan ang P6.5-M mula sa kabuuang budget sa pagsasagawa ng istruktura ng proyekto at ang natitirang P5-M ay para naman sa mga makinarya at kagamitang kakailanganin ng health center.

Kaugnay nito, ang iba pang components gaya ng maintenance at staffing ng SHC ay sasagutin na ng lokal na pamahalaan ng probinsya.

Samantala, inaasahang matapos Setyempre ngayong taon ang nasabing proyekto.

(Renajane Coyme | La Verdad Correspondent)

Tags: ,