P1.96/kwh bawas-presyo sa Meralco, ipatutupad ngayong Hunyo; naunang dagdag-singil binawi

by Radyo La Verdad | June 17, 2024 (Monday) | 10686

METRO MANILA – Binawi ng Meralco ang nauna nitong anunsyo na nasa P0.64 kada kilowatt-hour na dagdag-singil sa kuryente ngayong Hunyo.

Sa official statement ng Meralco ay inihayag nito na magpapatupad ang power distributor ng P1.96 o halos P2 kada kilowatt-hour na bawas-presyo, ngayong buwan.

Katumbas ito ng P392 na kabawasan sa bill ng kuryente para sa mga typical residential customer ng Meralco na kumukonsumo ng 200-kilowatt hour.

P589 naman ang mababawas kung 300-kilowatt hour ang konsumo, P785 sa 400-kilowatt hour, habang P981 naman sa 500-kilowatt hour consumption.

Ayon sa Meralco, bunsod ito ng pagapatupad ng utay-utay na singil sa generation costs mula sa wholesale electricity spot market (WESM).

Alinsunod ito sa kakalabas lang na utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa lahat ng power distributors na gawing staggered collection sa WESM purchases kabilang na ang supply na binili para sa buwan ng Mayo.

Hahatiin ito sa 4 na buwang installment simula ngayong buwan hanggang September 2024 bill kaya asahan ang mataas na generation charge sa mga susunod na buwan ayon sa Meralco.

Tags: