Dudulog ang Department of Budget and Management (DBM) at Department of Health (DOH) sa Kongreso upang hilingin na payagan silang magamit ang 1.16 billion peso refund ng Sanofi Pasteur sa mga hindi nagamit na Dengvaxia vaccines. Ilalaan ito bilang supplemental budget ng Dengvaxia vaccinees program ng pamahalaan.
Nakapaloob dito ang paglalaan ng 131 million pesos para sa gastos ng mga health personnel ng programa, 261 million pesos para sa distribusyon ng medical kits at mahigit 768 million pesos para sa medical assistance.
Ayon kay DBM Secretary Benjamin Diokno, sasagutin ng pondong ito ang hospital expenses ng isang pasyente.
Ngunit bago mabigyan ng assistance, kailangan muna aniyang matiyak na kabilang ang isang nagrerequest sa 870 thousand Dengvaxia recipients.
Kahapon ay nag-break na ang sesyon ng Kongreso para sa long holiday, ngunit inaasahan ng DBM na sa pagbabalik sesyon sa Mayo ay agad na matatalakay ang panukalang supplemental budget.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )