OWWA at local officials, dumalaw sa burol ni Joanna Demafelis sa Iloilo

by Radyo La Verdad 1350 | February 20, 2018 (Tuesday) | 2225
Nasa Sara, Iloilo ang labi ni Joanna Demafelis, ang OFW na pinatay sa Kuwait.

Abala na ang mga kaanak ni Joanna Demafelis sa pag-aasikaso sa mga nakikiramay sa pamilya sa Barangay Feraris sa Sara, Iloilo dahil sa sinapit ng Pinay overseas Filipino worker (OFW).

Ilan sa mga dumalaw ay ang mga kawani ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Dumating din sa burol ang mayor ng Sara, Iloilo at ilang mga local officials, mga kaibigan at kaanak ng yumaong OFW.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Iloilo titiyakin nila na maayos na maililibing ang mga labi ni Joanna bilang tulong na rin sa pamilya.

Patuloy namang nanawagan ang pamilya at mga kaibigan ni Joanna na sana ay makamit ang hustisya.

Samantala, sapat na trabaho sa bansa ang panawagan ng grupong Migrante OFW Philippines sa pamahalaan bilang solusyon upang maiwasan ang pang-aabusong nararanasan ng mga Filipino workers sa ibang bansa.

Ayon kay Connie Bramas Regalado, national council member ng Migrante Philippines, hindi sapat na magpatupad lang ng deployment ban ng mga domestic helper sa Kuwait.

Aniya, dapat gumawa ng hakbang ang pamahalaan na makalikha ng sapat na trabaho para sa ating mga kababayan upang huwag nang makipagsapalaran sa ibang bansa.

Aniya, dapat rin magsilbing wake-up call sa pamahalaan ang nangyari kay Joanna.

“Inhustisya na ang nangyari sa kanila kasi hindi sila binigyan ng pagkakataon dito sa sariling bayan na magtrabaho, mabuhay at hindi kailangang mapwersang lumabas para mag hanapbuhay,” sabi ni Regalado.

(Vincent Arboleda/UNTV Correspondent)

Tags: , , ,