Oral arguments sa ‘war on drugs’ petitions, tinapos na ng Supreme Court

by Radyo La Verdad | December 6, 2017 (Wednesday) | 3207

Makalipas ang tatlong sesyon ng palitan ng mga argumento, tinapos na ng Korte Suprema ang pagdinig sa mga petisyon laban sa war on drugs.

Inatasan na lamang ng korte ang pamahalaan at ang mga petitioners na isumite ang kani-kaniyang memoranda sa loob ng anim na pung araw at pagkatapos nito ay magdedesisyon na sila sa kaso.

Hinihingi rin ng SC sa pamahalaan ang records ng tatlong libo walong daang mga suspek na napatay sa operasyon ng mga pulis mula July 2016 hanggang nitong nakaraang Noyembre.

Ikinatuwa ito ni Atty. Jose Manuel Diokno na abogado ng mga petitioner. Wala namang magagawa si Solicitor General Jose Calida kundi sumunod sa utos ng korte.

Muli ring ipinagtanggol ni Calida ang kampanya ng pamahalaan. Ayon sa kaniya, hindi sa oplan tokhang napatay ang halos apat na libong drug suspects kundi sa lehitimong operasyon ng mga pulis.

Nagpaliwanag din si Calida sa tanong ni Senior Associate Justice Antonio Carpio kung bakit tila nakatuon ang pansin ng war on drugs sa mga maliliit na user at pusher habang binabalewala ang malalaking drug lords.

Ayon pa kay Calida, mahirap habulin ang mga Chinese drug lord na nagmamando ng kanilang operasyon mula sa labas ng bansa.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,