Opisyal ng DPWH at 4 na kasabwat nito, sasampahan ng reklamo dahil sa pagtanggap ng suhol mula sa isang contractor

by Radyo La Verdad | August 29, 2018 (Wednesday) | 3360

Isang tawag ang natanggap ng opisina ng  Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) hinggil sa umano’y sinusunod na standard operating procedure (SOP) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Pasig City.

Ang SOP ay ang suhol umano na ibinibigay sa district engineers ng mga contractors para masigurong maibibigay sa kanila ang mga proyekto. Para kumpirmahin ang tawag, isang surveillance video ang ipinadala sa opisina ng PACC.

Ginawa ang transakyon mismo sa opisina ng DPWH Pasig District Engineer Roberto Nicolas. Makikita sa video na ibinibigay ng isang asset ang apat na milyong piso bilang paunang bayad sana sa 20 milyong piso na SOP.

Ang asset ay isang nagpanggap na contractor ng isang steel parking project na nagkakahalaga naman ng 70 milyong piso.

Maliban sa itinuturong utak ng iligal na koleksyon na si Nicolas, sangkot din ang dating empleyado at bagman nito na si Vilma Gomez, Tess Orquia, Engineer Melody Dominguez at Engineer Luisito Ponancio. Sinasabing matagal nang kalakaran sa DPWH ang SOP.

Malinaw umano na may iligal na transakyon sa nangyari dahil hindi rin dumaan sa proper bidding ang proyekto.

Dahil dito, pinaghininalaan ding may milyon-milyong asset ang pasimuno ng sinasabing SOP sa DPWH Pasig District kaya isasailamin din si Nicolas, kasama ang apat pang iba sa lifestyle check.

Ipinakita na rin ni Presidential Anti-Corruption Commission kay Pangulong Rodrigo Duterte ang video.

Nahaharap ang lima sa kasong paglabag anti-graft law, bribery at corruption.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,