Itinurn over na ng pamunuan ng Bases Conversion and Development Authority o BCDA sa Manila North Tollways Corporation o MNTC ang pamamahala sa Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX.
Isinagawa ang turnover kaninang umaga sa SCTEX toll operations center building na dinaluhan ng mga opisyal ng BCDA at MNTC.
Ayon sa BCDA, mananatili pa ring pag-aari ng pamahalaan ang SCTEX ngunit ang MNTC ang mangangasiwa sa operasyon at maintenance ng expressway.
Sa ilalim ng kasunduan, ang MNTC rin ang mamamahala sa toll collection, safety and security implementation pati na sa public relations at marketing sa loob ng tatlumpung taon;
Ngunit pagdating sa kita ay 50-50 ang magiging hatian ng pamahalaan at MNTC.
Ang kasunduang ito ay isinapinal sa unang bahagi ng 2015 matapos manalo ng MNTC sa isinagawang SCTEX operation bidding ng BCDA noong 2010.
Ang SCTEX ay may habang siyam napu’t apat na kilometro mula Tarlac hanggang Subic at mahigit sa dalawampu’t pitong libong sasakyan ang dumaraan dito araw-araw.
Naniniwala ang bcda na sa pamamagitan ng kasunduan ay mas lalo pang mapagaganda ang serbisyo sa mga motorista.
At bagamat naghain na sila ng petisyon upang mapataas ang singil sa toll sa sctex ay hindi pa naman ito inaaprubahan sa ngayon ng toll regulatory board.
Umaasa ang BCDA na magiging maayos ang pamamalakad ng MNTC sa SCTEX gaya ng ginagawa nito sa North Luzon Expressway.
Pinaplano na rin ng MNTC ang proyekto na magdudugtong sa NLEX at SCTEX para sa mas maalwang biyahe ng mga motorista.(Leslie Huidem/UNTV Radio Correspondent)