Operasyon ng MRT Line 3, ibinalik na ngayong araw (July 13)

by Erika Endraca | July 13, 2020 (Monday) | 1659

METRO MANILA – Matapos ang isang linggong tigil-operasyon at masusing disifection, binuksan na muli ngayong araw (July 13) ang biyahe ng MRT-3.

Subalit limitado pa rin ang bilang ng mga empleyado at nasa 12 tren lamang ang papatatakbuhin sa linya.

Wala pa ring pagbabago sa oras na biyahe na naguumpisa ng 5:30 ng umaga.

Nakaagapay pa rin ang bus augmentation mula alas-4 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi.

Mula sa pila, may sasagutang papel ang mga pasahero para alamin ang ilang detalye na bahagi ng contact tracing.

Sa huling datos ng Department Of Transportation (DOTr) 281 sa mga empleyado ng MRT-3 ang tinamaan ng COVID-19.

Samantala, ipinagbabawal na ngayon sa LRT-1 ang pagsasalita ng mga pasahero habang nasa loob ng tren.

Ayon kay Jacqueline Gorospe ang tagapagsalita ng Light Rail Manila Corportation, layon pa rin nito na maiwasan ang posibleng pagkahawaan ng COVID-19, lalo’t malaki ang paglaganap ng virus sa pamamagitan ng mga pampublikong sasakyan.

Pero kung sakaling importante na sagutin agad ang tawag sa telepono, papayagan naman ito subalit hindi dapat na ibaba o hubarin ang face mask.

Walang parusang ipapataw ang LRMC sa mga pasahero na mahuhuling lalabag sa polisiya.

Pero may mga security o marshall na magiikot sa loob ng mga tren upang palaging ipaalala sa mga pasahero na bawal magsalita habang nakasakay sa tren.

Ayon sa LRMC, ibinatay nila ang naturang polisiya sa singapore na kasama sa itinuring na best practice against COVID-19 transmission.

Sa ngayon may 8 empleyado sa LRT-1 ang nagpositibo sa COVID-19, subalit tiniyak naman ng management na hindi ito nagkaroon ng contact sa mga pasahero.

Kasalukuyan nang sumasailalim sa gamutan at nagpapagaling ang nasabing mga empleyado.

Joan Nano | UNTV News

Tags: