Operasyon ng Motorcycle Ride Booking Transport Service hindi otorisado – LTO

by Radyo La Verdad | August 1, 2017 (Tuesday) | 220728


Iniimbestigahan na ng Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board kung bakit nakapag-ooperate pa rin ang Motorcycle Ride Booking Transport Service na angkas.

Ito ay sa kabila ng inilabas na suspensyon ng LTFRB noong Enero sa operasyon ng angkas at wunder.

Wala umanong kaukulang permit ang mga ito at hindi tumutupad sa mga regulasyon ng pamahalaan.

Subalit nito lamang nakaraang linggo, isang pasahero ng angkas ang nasaktan nang sumemplang ang sinasakyan nitong motorsiklo.

Agaw-buhay ngayon sa ospital ang biktima habang nakaligtas ang driver.

Ipapatawag na ng LTO ang rider at may-ari ng naturang motorsiklo

Pinag-aaralan na rin ng LTO na bumuo ng mga bagong regulasyon hinggil sa pagpaparehistro at pagbibigay ng lisensya sa mga motorsiklo.

Ayon sa LTO, hindi nila inirerekomenda ang motosiklo bilang public transportation maliban na lamang kung ito ay gagawing tricycle.

Dahil ito sa dami ng kanilang kinasasangkutang aksidente

Pinayuhan ng LTO ang publiko na huwag ang tangkilin ang mga ganitong uri ng transportasyon lalo’t colorum pa ang mga ito.

Sinubukan ng UNTV News team na kunan ng pahayag sa isyu ang kumpanyang may-ari ng angkas, subalit hindi pa ito sumasagot sa aming tawag.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,