Online sellers, target ngayon ng fake deposit slip scam

by Radyo La Verdad | December 12, 2018 (Wednesday) | 8960

METRO MANILA, Philippines – Sa papalapit na holiday season, hindi lamang sa mga palengke o mall may kaliwa’t kanang sale. Dahil mas maalwan at iwas pagod, maraming Pilipino ang bumibili na rin ng mga panregalo at iba’t-ibang items online.

Pero ngayon, hindi lamang mga buyer o mamimili ang nabibiktima ng pamemeke o pagpapadala ng fake at defective items sa mundo ng online shopping, pati online sellers ay target na rin ng mga mapagsamantala.

Katulad na lamang ng biktimang si “Anna” na nagbebenta ng mga branded bag at sapatos ng mga kilalang celebrity, ilang ulit nang nahulog sa ganitong uri scam.

Ang sistema umano, magpapadala ang nagpapanggap na buyer ng resibo online at mamadaliin ang seller na ipadala ang biniling item. Ang nakuha sa kanya, dalawandaang libong pisong halaga ng luxury items.

Kamakailan lang, muli na namang nagtangkang makakuha ng luxury item ang isang nagpanggap na buyer. Mabuti na lamang at agad niyang tinignan kung may pumasok nga ba sa kanyang account, subalit wala siyang natanggap na perang ipinadala.

Paalala ng National Bureau of Investigation Cyber Crime Division, maging maingat sa mga pagkakatiwalaang tao at huwag basta ipapadala ang biniling item sa mga mamimili hangga’t hindi nabeberipika ang bayad dito at magduda na kapag masyadong apurado ang ka-transaksyon.

Sa datos ng NBI, ngayong taon ay umabot na sa higit 500 kaso ng computer related fraud o scam na isinangguni sa kanila.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,