One-stop application para sa lahat ng gov’t transactions, ilulunsad ng DICT

by Radyo La Verdad | January 20, 2023 (Friday) | 2799

METRO MANILA – Tuloy-tuloy ang pag-aaral at paghahanda ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa pagpapaigting ng digitalization sa bansa.

Ito’y sa gitna ng hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na ma-digitalize ang gobyerno at mapalakas pa ang cybersecurity.

Sa World Economic Forum sa Switzerland, sinabi nito na kumikilos na ang gobyerno, pati ang mga lokal na pamahalaan para ma-develop ang digital infrastructure ng Pilipinas.

Ayon sa DICT, isa lamang ang super government app sa mga inihahandang programa nito para sa digitalization.

Layon nito na mailagay sa iisang app na lamang ang mga government service na kailangan ng mamamayang Pilipino.

Nasimulan na rin aniya ang I-LGU o ang Integrated Local Government Unit System. Layon nitong mas mapadali ang transaksyon sa mga lokal na pamahalaan.

Kasalukuyang nasa 25 lungsod at munisipalidad ang nagpapatupad ng nasabing sistema.

Isa rin sa nais isulong ng ahensya ang pagpapalakas ng connectivity lalo na sa mga malalayong lugar.

Samantala, sinabi rin ng DICT nakikipagugnayan na rin ang Pilipinas sa iba’t ibang bansa na tutulong sa digitalization ng bansa.

Ayon sa DICT, may napirmahan nang Memorandum of Agreement ang Pilipinas kasama ang Singapore at China para tumulong sa digitalization ng bansa. Nakikipagusap na rin ang Pilipinas sa iba pang mga bansa gaya ng Japan, United States at iba pang ASEAN countries.

Ipaprayoridad naman ng mababang kapulungan ng Kongreso ang mga panukalang batas na nagsusulong sa digitalization ng bansa.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, makatutulong ang digital transformation para makatulong sa pagiging investment hub ng Pilipinas. Ilan sa mga ipaprayoridad na maisabatas ang e-government at e-governance acts.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: ,