Ombudsman, dapat mag-imbestiga sa mga kwestiyonableng paggastos na ulat ng COA – Malacañang

by Radyo La Verdad | May 4, 2018 (Friday) | 3571

Umaasa si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na aaksyunan ng Office of the Ombudsman ang mga pinakahuling ulat ng Commission on Audit (COA) hinggil sa mga kwestyonableng transaksyon ng mga tanggapan ng pamahalaan.

Ito ang tugon ng Malacañang nang tanungin hinggil sa ulat ng COA na kumukwestyon sa ginastos na 627.29 libong piso para sa local travels ni Philippine Health Insurance Interim President Celestina Ma. Jude Dela Serna.

Bukod dito, kinuwestyon din ng COA ang Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) sa pag-hire nito ng siyam na consultant noong 2017 kaya kinailangang gumastos ang tanggapan ng 3.07 million pesos.

Nahaharap din sa kontrobersya ngayon ang Department of Tourism (DOT) dahil sa 60 milyong piso na halaga ng tourism advertisement na inilagay sa programa ng kapatid ni Tourisim Secretary Wanda Teo sa PTV 4.

Hinikayat naman ni Roque, kung sapat ang ebidensya, dapat gampanan ng Ombudsman ang mandato nitong sampahan ng kaso sa korte ang mga opisyal ng pamahalaang kinakitaan ng paglabag sa anti-graft law.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,