Nanindigan si PhilHealth OIC President and CEO Dr. Celestina Dela Serna na makatwiran ang pagkuha niya ng reimbursement mula sa PhilHealth at lahat ng ito ay dumaan sa tamang proseso.
Ito ay kaugnay sa mga local travels ni Dela Serna na na-reimburse sa kanya ng PhilHealth na umabot ng mahigit anim na raang libong piso.
Naghain na ng tugon si Dela Serna sa Commission on Audit (COA) upang maipaliwanag ang isyu. Nakikiusap ang opisyal na personal na makausap si Pangulong Rodrigo Duterte.
Nais nitong maipaliwanag sa pangulo ang umanoy isyu ng korapsyon na kanyang kinasasangkutan. Naniniwala ito na mayroong ilang opisyal ng PhilHealth siyang nasagasaan na gumigipit sa kaniya ngayon.
Marami umano ang nagalit sa kaniya ng ilipat niya ng assignment ang dalawampung regional director ng PhilHealth.
Ani Dela Serna, sinusunod lamang niya ang utos ni Pangulong Duterte na ipatupad ang reporma sa pamunuan ng PhilHealth.
Ipinaliwanag naman ng PhilHealth ang malaking pagkakautang sa claim ng mga ospital na hindi nababayaran.
Anila, nasa kontrol ng mga regional vice president ang pagbabayad sa claim ng mga ospital. Inaalam pa ngayon ng PhilHealth kung gaano kalaki ang utang sa claim ng mga ospital.
Nagbanta naman ang PhilHealth sa mga ospital na nagsasamantala na maningil ng mga hindi otorisadong claim.
Ayon sa PhilHealth, ipapasara nila ang mga ospital na mapapatunayang pineperahan ang insurance corporation.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )