OFW na nailigtas sa bitay sa UAE, nakipagkita kay Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | November 7, 2018 (Wednesday) | 10280

Kita sa twitter post ng administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na si Hans Leo Cacdac ang pagkikita nina Pangulong Rodrigo Duterte at Jennifer Dalquez sa Malacañang kahapon. Niyakap ni Dalquez ang punong ehekutibo.

Batay sa tweet ni Cacdac, tearful at joyous ang pagkikita ng dalawa.

Si Dalquez ang OFW na hinatulan ng death penalty ng United Arab Emirates (UAE) sa kasong pagpatay sa kaniyang amo.

Sinaksak umano ni Dalquez ang kaniyang amo matapos siyang pagtangkaang gahasain. Subalit inapela ito ng Philippine Government.

Na-abswelto ang Pinay worker sa bitay matapos baligtarin ng Court of Appeals (CA) ng Al Ain ang guilty verdict.

Ayon kay Pangulong Duterte, nagbanta siya sa UAE hinggil sa kaso ni Dalquez.

Subalit hindi pinahintulutang agad makauwi noon si Dalquez dahil kinailangan niya pang magsilbi ng sintensya para sa kasong pagnanakaw.

Noong nakaraang linggo, matapos ang apat na taong pagkakakulong sa Abu Dhabi prison, nakabalik na sa Pilipinas ang overseas Filipino worker (OFW) na si Jennifer Dalquez.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,