NYC, nilinaw na liquidated ang lahat ng disallowances na nakita ng COA noong 2017

by Radyo La Verdad | April 25, 2018 (Wednesday) | 2106

Masama ang loob ng National Youth Commission (NYC) sa mga naglabasang balita na may pondo silang hindi nagamit ng tama.

Ayon kay NYC Officer in Charge Commissioner Ronald Cardema, totoong tinawag ng Commission on Audit (COA) ang kanilang pansin sa ilang mga hindi maipaliwanag na paggastos ng kanilang opisina.

Pero agad naman daw nilang naisumite ang mga dokumentong hinahanap ng COA na magpapatunay na wala silang ibinulsang pera.

Batay sa 2017 COA report, pinagpapaliwanag ng ahensya ang NYC sa umano’y paggastos nito ng 300 libong piso para sa meals and snacks sa mahigit isandaang meetings at activities na isinagawa nito noong 2017.

Kinuwestiyon din sila ng COA sa umanoy 2 milyong pisong pondo nila sa pagkuha ng mga consultants.

Pero sa January 2018 at April 2018 statement of audit COA report na hawak ng NYC, wala nang nawawala at kuwestiyonableng pondo.

Ayon sa NYC, ilang beses nang kinilala ng COA ang kanilang ahensya dahil sa maayos na pagggastos ng kanilang pondo, kaya malabong sa pagkakataong ito ay magkaroon sila ng hindi magandang record.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,