No weekend sales at adjusted mall hours, ipatutupad sa Metro Manila ngayong holiday season

by Radyo La Verdad | October 12, 2022 (Wednesday) | 23019

METRO MANILA – Nakausap na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga mall owner, sa planong ibsan ang inaasahang pagbigat ng trapiko pagdating ng holiday season.

Ayon kay MMDA Spokesperson Atty. Melissa Carunungan, maglalabas sila ng opisyal na memorandum circular kaugnay ng weekday mall sale ban sa katapusan ng Oktubre.

Maliban pa rito ang ipatutupad na modified mall hours pagpasok ng holiday season.

Sa ilalim nito gagawing 11am to 11pm ang operasyon ng mga mall upang hindi tumukod ang matinding traffic kapag rush hour.

Sa ngayon, mas dumami na ang sasakyan na bumabagtas sa kahabaan ng Edsa kada araw.

Ayon sa MMDA, masasabing bumalik na sa pre pandemic level ang sitwasyon ng traffic sa Edsa at nahigitan pa ito ngayon.

Sa datos ng Traffic Engineering Center ng MMDA noong 2019 bago ang pandemya, nasa higit 405,000 ang average ng mga sasakyan na dumadaan sa Edsa kada araw.

Ngunit pagpasok ng 2022, nahigitan pa ito kung saan pinakamataas na naitala ang higit 410,000 na mga sasakyan.

Pagpasok ng holiday season, inaasahang madadagdagan pa ito ng 10% o katumbas ng nasa 50,000 na mga sasakyan.

Upang maiwasan ang matinding traffic sa Metro Manila lalo na sa Edsa, inaabisuhan ang mga motorista na alamin ang mga alternatibong ruta na maaari pang daanan kabilang na dito ang Mabuhay lanes.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: , , ,