Muling inispeksyon kahapon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar ang konstruksyon ng NLEX Segment 10 sa bahagi ng Samson Road sa Caloocan City.
Kasama ng kalihim na bumisita sa site ang mga opisyal NLEX Corporation upang alamin ang kasalukuyang estado ng proyekto.
Ang NLEX Segment 10 ay isang elevated expressway na mag-uugnay sa Mac Arthur Highway sa Valenzuela City at C3 Road sa Caloocan City.
Makatutulong ito para sa mas mabilis na pagbiyahe ng mga sasakyan na magmumula sa Port Area sa Maynila papasok ng NLEX.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, 95 porsyento na ng right of way issue ng proyekto ang kanilang na-iayos, habang nanatiling pa rin hamon ang natitirang limang porsyento upang tuluyan nang makumpleto ang konstruksyon ng proyekto.
Sa kabila nito, kumpiyansa ang DPWH na kakayanin nang buksan sa mga motorista ang NLEX Segment 10 bago matapos ang 2018.
Subalit may ilan pa ring residente sa lugar ang nakikipagmatigasan sa DPWH at ayaw pa ring iwan ang kanilang bahay at lupa na tatamaan ng proyekto.
Sa pagtaya ng Build, Build, Build team, aabot sa limampung libong mga sasakyan ang makikinabang sa oras na matapos ang NLEX Segment 10.
Mapabibilis rin nito sa sampung minuto ang biyahe mula Manila Port hanggang NLEX mula sa dating mahigit isang oras.
Pangunahing makikinabang dito ang mga cargo trucks na nagde-deliver ng kanilang mga produkto mula Maynila patungong Central at Northern Luzon.
( Joan Nano / Correspondent )