NFA rice, nabibili na sa mga palengke sa Metro Manila

by Radyo La Verdad | June 27, 2018 (Wednesday) | 4555

Napapangiti ang mga suki ng NFA rice sa Commonwealth Market dahil pagkalipas ng ilang buwan na maubusan ng stock ay nakakabili na silang muli.

Nananatiling P27 at P32 ang kada kilo ng NFA rice na ayon sa National Food Authority at mga retailer ay katumbas ito ng kalidad ng bigas na may halagang P43 hanggang P47 kada kilo. Pero limitado hanggang sa limang kilo muna ang maaring bilhin ng bawat customer.

Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, nasa 90% na ng 5 milyong sako ng inangkat na bigas mula sa Vietnam at Thailand ang nakarating na sa bansa.

Nasa 1.5m na sako ang nakalaan sa National Capital Region (NCR) kung saan ang mahigit sa 50 libong sako ay naikalat na sa Metro Manila.

Nanawagan naman si Aquino sa publiko na agad isumbong kung may alam silang nag-rerepack ng NFA rice para ibenta bilang commercial rice.

Inaasahan naman na bababa na ng hanggang P2 kada kilo ang presyo ng commercial rice dahil sa pagdating ng NFA rice. Pero sa ngayon ay nasa P42 pa rin ang presyo ng ordinaryong bigas.

Ayon kay Aling Arabelle Flores na retailer ng bigas, nasa P5 na ang itinaas ng kada kilo ng commercial rice mula lamang noong Pebrero.

Bagaman inaasahang nang magiging mabili ang NFA rice subalit pareho lang naman din aniya ang kanilang kikitain.

Siniguro naman ni Aquino na hindi na mauulit ang insidente na mauubusan ng stock ang NFA at agad na silang mag-aangkat kung kakailanganin.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,