Umabot sa 18 kumpanya ang sumali sa bidding kanina para sa panibagong 250k metric tons o 5 milyong sako ng bigas na aangkatin ng pamahalaan.
Mahigit sa P6.5B (6,502,162,500) ang inilaang pondo ng NFA at kailangang matapatan o mas mababa dito ang alok ng mga bidder.
Lalabas na P26/kilo ang halaga ng bigas na aangkatin pero ipapasa ito sa mga accredited retailer ng NFA na P25 kada kilo at ibebenta sa mga consumer sa halagang P27/kilo.
Ibig sabihin ay may pisong subsidiya ang gobyerno sa bawat kilo ng bigas o kabuoang 250m ang ilalabas ng pamahalaan.
Noong unang linggo ng Abril ay naigawad sa Vietnam at Thailand ang kontrata para sa pagsusuplay ng 250k metric tons ng bigas at inaasahang bago matapos ang mayo ay dadating na ito sa bansa.
Kaya inaasahang sa sususnod na buwan ay masusuplayan na muli ang mga retailer ng NFA rice.
Ayon kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, pag-aaralan pa ng NFA council kung muling magdagdag ng aangkating bigas ang bansa sa mga susunod na buwan.
Sa ngayon ay nasa P45/ kilo ang umiiral na presyo ng bigas sa Metro Manila subalit inaasahan ng NFA na bababa ito kapag nakarating na sa merkado ang NFA rice.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: bigas, Metro Manila, NFA