NFA rice, mabibili na sa ilang supermarket sa Negros Occidental sa susunod na linggo

by Radyo La Verdad | October 17, 2018 (Wednesday) | 8973

Dalawang supermarket na may dalawampu’t dalawang branches sa Negros Occidental ang bibigyan ng National Food Authority (NFA) ng accreditation upang makapagbenta ng NFA rice.

Simula sa susunod na linggo ay maaari nang makabili ang ating mga kababayan sa mga ito ng mura ngunit de kalidad na bigas, maliban sa mga accredited NFA rice retailer sa mga palengke.

Ayon sa NFA, hinihintay lamang nila ang mga kaukulang dokumento na isusumite ng mga ito upang mabigyan ng accreditation.

Matatandaan na noong nakaraang buwan, isang memorandum of agreement ang nilagdaan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine Amalgamated Supermarkets Association ukol sa pagbebenta ng NFA rice sa ilang supermarket sa bansa.

Sa pamamagitan nito, mas madali nang makakabili ng murang bigas ang mga mahihirap nating mga kababayan.

Ayon pa sa NFA, kailangan sumunod pa rin sa Suggested Retail Price (SRP) ang mga supermarkets na P27 per kilo. Apat na kilo lang din ang maaring ibenta sa bawat consumer kada araw.

Samantala, ayon sa NFA ay tumatanggap na sila ng mga ibinebentang palay ng mga local farmers.

Mula sa dating 17 peso na buying price, itinaas na ito sa P20 kada kilo kasama ang buffer stocking incentive, drying incentive at delivery incentive at cooperative development.

Kailangan lang magpa-accredit sa NFA at magpasa ng requirement ang mga magsasaka upang makapagbenta sa kanila ng palay.

 

( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,